Katulad ng isang alipin na maalab na ninanais ang mga anino ng gabi, katulad ng isang taong upahan na naghihintay sa kaniyang mga sahod- kaya nagtiis ako sa mga buwan ng kahirapan; nagkakaroon ako ng mga gabing punong-puno ng kaguluhan.
Kapag ako ay humihiga, sinasabi ko sa aking sarili, “Kailan ako babangon at kailan lilipas ang gabi? Punong-puno ako ng kabalisahan hanggang sa magbukang-liwayway.
Ang aking laman ay nadadamitan ng mga uod at mga tipak ng alikabok; nanigas na ang mga sugat sa aking balat at saka malulusaw at mananariwang muli.
Alalahanin mo O Diyos na ang aking buhay ay isa lamang hininga; ang aking mata ay hindi na makakakita pa ng kabutihan.
Ang mata ng Diyos, na nakikita ako, ay hindi na muli ako makikita; Ang mga mata ng Diyos ay tutuon sa akin pero hindi na ako mabubuhay.
Gaya ng isang ulap na napapawi at nawawala, gayon din ang siyang bumababa sa sheol ay hindi na aahon pa.
Kaya hindi ko pipigilin ang aking bibig; Magsasalita ako sa kadalamhatian ng aking espiritu; Ako ay dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa.
Kinasusuklaman ko ang aking buhay; Hindi ko hinahangad na patuloy akong mabuhay; hayaan mo akong mag-isa dahil walang silbi ang aking mga araw.
Gaano katagal bago mo alisin ang iyong tingin sa akin? bago mo ako hayaang mag-isa nang may sapat na panahon para lunukin ang aking sariling laway?
Kahit ako ay nagkasala, ano ang magagawa nito sa iyo, ikaw na nagbabantay sa mga tao? Bakit mo ako ginawang isang pakay, para ba ako ay maging pasanin sa iyo?