Kaya mo bang palabasin ang leviatan gamit ang kawit sa pangingisda? O igapos ang mga panga niya gamit ang tali?
Makikipaglaro ka ba sa kaniya nang katulad sa ibon? Itatali mo ba siya para sa iyong mga aliping babae?
Tatawad ba ang mga pangkat ng mga mangingisda para sa kaniya? Hahatiin ba nila siya para makipagkalakalan sa mga mangangalakal?
Ilagay mo ang iyong kamay sa kaniya minsan lamang, at maaalala mo ang labanan at hindi na ito gagawin.
Tingnan mo, ang pag-asa ng sinumang ginagawa iyon ay kasinungalingan; hindi ba mapapatirapa sa lupa sa pagtingin lamang sa kaniya?
Walang matapang na maglalakas-loob na pukawin ang leviatan; sino ngayon, ang makatatayo sa harap ko?
Sino ang unang nagbigay sa akin ng anumang bagay na dapat ko siyang bayaran pabalik? Anuman ang nasa ilalim ng buong kalangitan ay sa akin.
Hindi ako mananahimik tungkol sa mga binti ng leviatan, maging ang tungkol sa kaniyang kalakasan, maging ang kaniyang kaaya-ayang anyo.
Sino ang makatatanggal ng kaniyang panlabas na takip? Sino ang makapapasok sa kaniyang dobleng baluti?
Sino ang makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha— napalilibutan ng kaniyang mga ngipin na kakila-kilabot?
Kumikislap ang liwanag mula sa kaniyang pagsinghal; ang kaniyang mga mata ay tulad ng talukap ng bukang-liwayway.
Mula sa mga butas ng kaniyang ilong ay usok katulad ng kumukulong palayok sa apoy na pinaypayan para maging sobrang init.
Ang kaniyang hininga ay sinisindihan ng mga uling para lumagablab; apoy ang lumalabas sa bibig niya.
Kapag tinataas niya ang kaniyang sarili, kahit ang mga diyos ay natatakot; dahil sa takot, umaatras sila.
Kung tatamaan siya ng espada, wala itong magagawa— at maging ang sibat, palaso at iba pang matulis na sandata.
Ang kaniyang mga pambabang bahagi ay tulad ng mga matatalim na piraso ng basag na palayok; iniiwan niya ang malaking bakas sa putik na para siyang karetang giikan.
Pinabubula niya ang kailaliman katulad ng kumukulong tubig sa palayok; ginagawa niya ang dagat na parang palayok ng pamahid.